Sen. Gatchalian, hiniling sa Pangulo na sertipikahang urgent ang mga panukalang taas-sahod ng mga guro

Hinihiling ngayon ni Senate Committee on Basic Education Chair, Senador Sherwin Gatchalian kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan bilang urgent bill ang panukalang taasan ang sweldo at benepisyo ng mga guro.

Sinabi ito ni Gatchalian matapos ianunsyo ni Pangulong Duterte na posibleng magkaroon ng dagdag-sahod ang mga guro ngayong taon.

Nagpahayag ng pasasalamat at kagalakan ang senador sa pagdinig ng Pangulo sa matagal nang hiling ng mga guro na taasan ang kanilang sahod.

Gayunpaman, bukod sa taas-sahod ay nais rin aniya ng mga mambabatas na taasan ang starting pay ng mga guro.

Gayundin ang taasan at maitatag ang mga benepisyo at mga allowance ng mga guro, upang hindi na sila gagamit ng sariling pera na pambili ng mga teaching materials.

Sa ngayon, iba’t ibang bersyon na ng panukalang batas na ito ang nakabinbin at tinatalakay ngayon sa mataas at mababang kapulungan ng kongreso.