Sen. Gatchalian, hiniling ang suporta ng mga kapwa senador para sa panukalang batas na maibaba ang singil sa kuryente

Pormal na hiniling ni Sen. Win Gatchalian ang suporta ng lahat ng kasamahang senador para maipasa ang isang panukalang batas na naglalayong maibaba ang singil sa kunsumo sa kuryente.

Sa kanyang sponsorship speech sinabi ni Senador Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, na ipinapanukala sa Senate Bill No. 1952 o ang tinaguriang Murang Kuryente Act, ang paggamit ng government share mula sa Malampaya Natural Gas Project para sa pagbabayad ng stranded contract cost at ang minanang pagkakautang ng NAPOCOR.

Paliwanag ni Gatchalian, nang baguhin ang electric power industry noong 2001, ang National Power Corporation (NAPOCOR) ay nag-iwan ng pagkaka-utang na P830.7 billion pesos na nailipat at babalikatin ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation o PSALM.

Subalit, ang malaking bahagi ng naturang pagkaka-utang ay ipinasa naman sa power consumers sa pamamagitan ng  universal charge na makikita sa buwanang electricity bill ng mga kumukunsumo ng elektrisidad o kuryente.

Punto ni Gatchalian, kapag naisabatas ang panukalang Murang Kuryente Act, malaki ang mababawas mula sa halaga ng binabayarang kunsumo sa kuryente.

Sa kasalukuyang umiiral na batas, ang Malampaya Fund ay inilalaan para sa exploration development at exploitation ng energy resources, subalit, ang pondo ay nanatiling hindi nagagamit simula pa noong 2001 at nanatiling nasa National Treasury sa halagang umaabot sa P251 billion pesos.  | ulat ni Jojo Ismael