Sen. Gatchalian, dismayado sa umano’y pagkabigo ng mga kinatawan ng gobyerno na maipatupad nang lubusan ang Unconditional Cash Transfer program para maibsan ang impact ng TRAIN law

Tinuligsa ni Senador Win Gatchalian ang mga kinatawan ng gobyerno para sa kanilang pagkabigo na lubusang maipatupad ang Unconditional Cash Transfer program para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino kaugnay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin nang dahil umano sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
 
Ang tinutukoy ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs ay ang binitiwang pangako noon ng mga opisyal ng Department of Finance sa deliberasyon ng Senado ng TRAIN noong nakaraang taon na siniseguro sa mga senador na ang P24 billion na UCT ay ipamamahagi simula sa Enero 1, 2018 o sa unang araw ng pagpapatupad ng TRAIN law.
 
Subalit sa idinaos na ikalawang pagdinig ng komite ni Gatchalian sa implementasyon ng TRAIN law, inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sila’y nakapamahagi lamang ng tulong sa may apat na milyong mga pamilya na kapos ng may anim na milyon pa sa target na 10 milyong mga pamilyang benepisyaryo.
 
Ang P24 na bilyong pisong pondo para sa Unconditional Cash Transfer o cash subsidy ay hinati para sa tatlong beneficiary programs: ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na may 4.4 million na mga pamilya, ang Social Pension Program para sa tatlong milyong pamilya at ang Listahahan Program na may 2.6 million na mahihirap na pamilya.
 
Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na ang P200 cash subsidy para sa bawat mahihirap na pamilya ay kulang umano para maibsan ang kahirapan ng may 30 porsyentong pinakamahihirap sa mahihirap na mga pamilya sa bansa. Ito’y dahil sa inaasahang pagtaas pa sa mga susunod na mga araw ng presyo sa produktong petrolyo. | via Jojo Ismael