Sen. Gatchalian, di pabor na gawing one-way ang EDSA at C5

Tinutulan ni Senador Sherwin Gatchalian ang mungkahing gawing one way ang EDSA at ang C5 para maibsan di umano ang mabigat na daloy ng trapiko sa kamaynilaan.

Ayon kay Gatchalian, hindi idinisenyo ang EDSA at C5 para sa one way traffic scheme.

Maaari aniyang imbes na makatulong, ay mas makapagdulot pa ito ng abala sa mga negosyo at sa commuter.

Giit ng senador, babaguhin lang ng one-way scheme na ito ang direksyon ng mga sasakyan at wala naman itong nagawa sa pagbabawas ng dami ng mga sasakyan sa kalsada.

Sa halip, mungkahi ni Gatchalian, pagtuunan na lang ng pansin ang pagsasaayos at pagpapaganda sa mass public transport system, at pagtanggal sa mga ilegal na nakaparadang sasakyan sa mga side street.

Sa ngayon, ilan lang aniya ito sa mga maaaring gawin ng gobyerno upang mapaluwag ang trapiko, bukod pa sa pagmamadaling matapos ang konstruksyon ng Skyway 3 at ng North-South connector road.

Sa hinaharap naman ay minumungkahi ng senador na ilipat na sa Clark ang sentro ng pamahalaan para madecongest ang Metro Manila.