Sen. Ejericto, iginiit sa Public Attorney’s Office na makipag-ugnayan sa Dept of Health at UP-PGH kaugnay ng usaping Dengvaxia

Muling iginiit ni Committe on Health Chairman Senador JV Ejericto sa Public Attorney’s Office o PAO na makipag-ugnayan sa Department of Health at UP-Philippine General Hospital.

Ayon kay Ejercito, ito ay para matiyak na malakas ang kaso na maisasampa ng PAO kaugnay sa Dengvaxia controversy.

Nangangamba ang senador, na kung magkaroon ng kahit konting pagkakamali ang PAO ay mabasura lang ang kaso.

Tinukoy pa niya ang sinabi sa pagdinig ng senado ni US-based dengue expert Dr. Scott Halstead na ang ginagawang autopsiya ng PAO sa mga namatay na binakunahan ng Dengvaxia ay hindi sapat na basehan sa paghahain ng kaso.

Magugunitang sa Senate hearing ay ipinaliwanag ni Dr. Halstead na
hindi basta-bastang sa simpleng awtopsiya lamang agarang mapapatunayan kung may kaugnayan ang Dengvaxia sa pagkamatay ng mga batang binakunahan nito.

Sa mga naunang pagdinig din ng Senado ay ipinaliwanag din nina Dr. Susan Mercado at Dr. Leachon na ang viscerotopism at neurotropism na binanggit ng PAO ay mga “theoretical risks” lamang at kailangan pa ng masusing pag-eeksamin upang matukoy kung may kinalaman nga ito sa Dengvaxia. | via Jojo Ismael