Sen. Drilon sa DOJ: Huwag munang ikonsidera ang parole application ni Ex-mayor Sanchez

Nanawagan ngayon si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Department of Justice (DOJ) na huwag munang ikonsidera ang parole application ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Ayon kay Drilon, ito ay habang hindi pa nalilinaw ang isyu tungkol sa computation ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng dating alkalde, na napatawan ng 7 life terms dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Samenta at pagpatay sa kasama nitong si Allan Gomez, noong 1993.

Giit ng senador, nakakapagtaka ang pagkakasama ng pangalan ni Sanchez sa mga kwalipikado sa GCTA.

Hindi aniya kwalipikado ang dating alkalde sa pagkakaroon ng good behavior, dahil nasangkot ito sa illegal drug trade sa loob ng bilibid.

Paliwanag ng senador, kabilang ang pagsasailalim sa rehabilitation programs at pagsunod sa panuntunan ng detention facility sa requirement ng GCTA, bagay na hindi nasunod ni Sanchez.

Samantala, tiniyak ni Drilon sa pamilya Sarmenta at Gomez, na handa siyang tumulong sa mga ito na ilapit sa tamang korte ang pag-apela sa nakaambang paglaya ni Sanchez.

Matatandaang si Drilon ang nakaupong DOJ secretary noong panahong nangyari at nililitis ang kasong ito.