Sen. Drilon, minumungkahi kay Pangulong Duterte na magpatawag muli ng special session mula Nov. 9 – 13

Hinikayat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Pangulong Rodrigo Duterte, na magpatawag rin ng special session mula November 9 hanggang 13, para matiyak na maipapasa ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon on time.

Ayon kay Drilon, ang pagpapatawag ng special session sa mga naturang petsa ay makakatulong na masimulan agad ng Senado ang pagtalakay ng budget bill sa plenaryo.

Base kasi sa legislative calendar, magkakaroon ng session break ang Kongreso simula sa October 17 at magpapatuloy lang ito sa November 16.

Matatandaang una nang nagpatawag ng special session si Pangulong Duterte mula October 13 hanggang 16, upang bigyang daan ang pagpapasa ng budget bill sa ikatlo at huling pagbasa ng kamara.

Paliwanag ng minority leader, kung magpapatawag muli ng special session si Pangulong Duterte, maaari nang simulan ng Senado ang plenary debates mula November 9 at maaari aniya nila itong matapos sa loob ng lima hanggang pitong araw.

Matapos nito, ay dalawang linggo naman ang ilalaan para sa Bicameral Conference Committee, upang mapagkasundo ang magkakaibang probisyon sa 2021 General Appropriations Bill (GAB) version ng Kamara at Senado.

Sa pamamagitan aniya nito, ay maipapasa ng Kongreso sa MalacaƱang ang 2021 GAB sa unang linggo ng December at magkakaroon ng sapat na panahon si Pangulong Duterte para pag-aralan ito, upang mapirmahan bago sumapit ang January 1, 2021.

Giit ni Drilon, dapat gawin ang lahat ng posibleng hakbang upang hindi magkaroon ng isang reenacted budget, lalo na ngayong nasa gitna pa tayo ng isang pandemya.