Sen. Drilon, hinimok ang COA na magsagawa ng special audit sa PhilHealth

Nanawagan si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng isang special audit sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ay sa gitna na rin ng isyu ng korapsyon na bumabalot ngayon sa ahensya.

Ayon kay Drilon, ang hinihingi niyang special audit ay mas malalim at detalyado kaysa sa ginagawang annual audit ng COA.

Ito aniya ay upang malaman kung magkano na talaga ang lugi ng PhilHealth at kung magkano pang pondo ang kailangan nito.

Giit pa ng senador, dapat na ring magpatupad ng reporma sa collection system ng ahensya.

Pinunto nito ang naitalang P26 million pesos net operating loss ng PhilHealth sa nakalipas na limang taon bukod pa ang nasa P48 billion pesos na unpaid claims.

Pagbibigay-diin ni Drilon, sa inaasahang implementasyon ng Universal Health Care Law, kakailanganin ng mas malaking pondo ng PhilHealth na ngayong 2020 ay tinataya aniyang aabot sa P257 billion pesos.