Sen. Drilon at De Lima, tinawag na bully ni PAO Chief Persida Acosta

Tinawag na bully ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta sina Senador Franklin Drilon at Senador Leila De Lima.

Buwelta ito ni Atty. Acosta sa pahayag nina Drilon at De Lima na makupad ang PAO sa pag-asikaso sa may mahigit 800 na inmates na dapat na umanong napalaya.

Ayon sa PAO Chief, anim na taon na walang ginawa ang nagdaang administrasyon sa ilalim ng noon ay Justice Secretary na si Leila De Lima pero ngayon ay malakas ang loob na bumatikos para makakuha ng simpatiya sa publiko.

Sa katunayan sinabi pa ni Atty. Acosta, ang PAO ang nagpursige sa Korte Suprema para ipatupad ang Hernan Doctrine.

Bilang resulta, may mahigit 14,000 inmates na biktima ng injustice ang kanilang natulungan at napalaya.

Wala aniyang alam ang isang nakakulong na senador sa pagsisikap ng mga PAO field lawyers na patuloy na naghahain ng petisyon sa Lower Courts para matulungan ang mga inmates na dapat ay napalaya na.

Kahapon ay bumisita sa Women’s Correctional si Acosta para sa isang medical mission at legal assistance sa mga inmates doon.  | ulat ni Rey Ferrer