Sen. Dela Rosa sa mga kabataang nahikayat ng mga makakaliwang grupo: Umuwi na kayo sa inyong mga magulang

Nananawagan si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa mga kabataang estudyante na na-recruit ng mga makakaliwang grupo na umuwi na sa kanilang mga magulang.

Sinabi ito ni Dela Rosa, isang araw matapos ang ikalawang public hearing tungkol sa reklamo ng mga magulang ng mga batang ito, at ang pagpapa-presscon ng mga bata sa Kamara kahapon.

Payo ng senador sa mga batang ito, mag-aral nang mabuti, tapusin ang kanilang pag-aaral, at maghanap ng magandang trabaho.

Ito aniya ang solusyon upang makatulong sila, hindi lamang sa kanilang pamilya, kundi maging sa bansa.

Giit ni Dela Rosa, hindi pa huli ang lahat para baguhin nila ang kanilang buhay at makabalik sa kanilang mga tahanan.

Tiniyak rin ni Dela Rosa na walang banta ang militar o pulisya laban sa kanila, kaya, wala silang dapat ikatakot kung babalik sila sa kanilang mga tahanan.