Sen. De Lima, idinawit ng mga testigo sa mga anomalya sa BuCor

Idinawit ng dalawang testigong humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Senator Leila De Lima sa mga nangyayaring anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP).

Muling inilahad nina dating BuCor Officer-in-Charge Rafael Ragos at NBI agent Jovencio Ablen Jr., kung paano nakinabang noon si De Lima sa mga kalokohan sa Bilibid noong siya’y kalihim pa ng Department of Justice (DOJ).

Kaparehong testimonya ang ginamit ng dalawa nang tumayo rin silang testigo noon para patalsikin si dating Supreme Court Justice Maria Lourde Sereno.

Kabilang na diyan ang paghahatid nila ng perang nakolekta mula sa Bilibid sa mismong bahay ng senator noong 2012 at ang mga di umano’y ilegal na gawain ng driver ni De Lima na si Ronnie Dayan sa loob ng Bilibid.

Pinaliwanag naman ni Senator Panfilo Lacson na kaya nila inimbitahan ang dalawa sa pagdinig ng senado, ay dahil ayaw magsalita ng mga kasalukuyang mga opisyal na BuCor tungkol sa mga nangyayaring kalokohan sa bilibid.

Sa ngayon, ay nasa ilalim na ng witness protection program ng DOJ sina Ragos at Ablen, at tumatayo ring testigo sa kasong kinakaharap ni De Lima.