Sen. Binay, nanawagang bilisan ang pamamahagi ng COVID-19 vaccines sa LGUs

Hinikayat ni Senator Nancy Binay ang Department of Health (DOH), na bilisan pa ang pagbibigay ng mga suplay ng COVID-19 vaccines sa local government units (LGUs), upang matugunan ang mataas na demand ng bakuna para sa mga nasa A4 priority group.

Giit ni Binay, dapat ng ipamahagi ang lahat ng mga bakunang nasa storage facilities ng pamahalaan, dahil sayang ang panahon kung paghihintayin pa hanggang sa susunod na linggo ang mga nais nang magpabakuna.

Pinunto ng senator, na hindi katanggap-tanggap ang pagsasara ng ilang vaccination centers sa Metro Manila, partikular sa Manila, Marikina at Antipolo, dahil hindi nakarating sa tamang oras ang mga suplay ng COVID-19 vaccine sa kanila.

Sa ngayon, ay nasa 9.3 milyon na COVID-19 vaccine aniya ang nasa stockpile ng pamahalaan; 8.6 milyon ang naipamahagi na sa mga vaccination sites; higit 6 milyon ang naiturok na; at nasa isang milyong doses pa ang nakaimbak sa government facilities.

Dagdag pa aniya dito, ang 2 milyon doses ng Pfizer COVID-19 vaccine na dadating bukas, at tig-isang milyong Sputnik at Sinovac COVID-19 vaccine.