Sen. Binay, nanawagan sa LGUs at DTI para magtulungan sa pagbabantay sa presyo ng school supplies

Nanawagan si Sen. Nancy Binay sa mga pamahalaang lokal para makipagtulungan sa Department of Trade and Industry sa pagmu-monitor sa presyo ng mga school supply.

Sinabi ni Binay na sa pamamagitan ng nagkakaisang pagkilos ng mga LGU at ng DTI, mahahadlangan umano ang mga tiwaling negosyante mula sa pagsasamantala sa panahon ngayon sa pagsisimula ng klase sa mga pampublikong eskwelahan at pagbebenta ng school supply sa mas mahal na halaga.

Punto ni Binay na marami pa rin ang hindi nakakabili ng mga gamit sa eskwela dahil naghihintay pa ang iba ng sweldo.

Asahan na aniya ang last-minute school supplies shopping sa darating na Sabado at Linggo.

Dahil dito, siya’y umaapela sa LGUs para higit pang paigtingin ang kanilang pagmu-monitor sa presyo ng mga school supplies at iba pang educational materials upang mahinto ang mga tiwaling magsasamantala ngayong pasukan sa pamamagitan ng pagtataas sa presyo ng kanilang mga paninda.

Una rito, iniulat ng DTI ang biglaang pagtaas sa presyo ng mga school supplies. Umano’y, maraming brand ng notebooks at pad papers ang nagtaas na ng kanilang presyo nang dahil umano sa tumaas na gastusin sa hilaw na materyales na inaangkat mula pa sa China. | ulat ni Jojo Ismael