Sen Binay: Mahalagang magkatulungan ang DOH, DepEd at LGUs sa pagpapa-igting ng ‘dengue info drive’ at ‘clean up’ sa mga paaralan

Sa pagsisimula ng panahon ng tag-ulan, agad na nanawagan si Senador Bancy Binay sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para sa pagpapa-igting sa information at clean-up drives upang maiwasan ang mga sakit dala ng panahon, partikular na ang dengue fever.

Una nang nabahala si Binay sa ulat na ang kaso ng dengue fever sa Cordillera Administrative Region ay tumaas ng may 87 porsyento sa unang 17 linggo ng 2018.

Aniya, kailangan ang pagtutulungan ng Department of Health at ng Department of Education para sa pagpapakalat ng tama at napapanahong impormasyon upang malaman ng lahat ang tungkol sa dengue at kung paano maiiwasan ito lalo na sa mga paaralan.

Ayon sa senador, ang posibleng paglaganap ng dengue ay maaaring maisisi sa mahinang kalinisan, hindi tamang pagtatapon ng basura, at ang maruming kapaligiran.

Nanawagan na rin si Binay para sa pagmobilisa ng local authorities, Reserve Force ng Hukbong Sandatahan, at DPWH para tumulong sa clean-up drive, partikular na sa mga eskwelahan.

Umano’y mas maraming pwedeng makagat ng mga lamok na may dalang dengue fever sa mga paaralan kaya’t kailangan pagtuunan ng pansin ang kalinisan nito. I-check ang posibleng breeding ground ng mga lamok tulad ng hindi dumadaloy na tubig, mga drainage system, water storage, catchments at impounding. | ulat ni Jojo Ismael