Sen. Binay, hinimok ang DFA, POEA na maglatag na ng contingency plan, hotline para sa mga Pinoy sa Hong Kong

Hinimok ni Senador Nancy Binay ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na kumilos na agad, at tiyakin ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa Hong Kong.

Ito ay sa gitna na rin ng nagpapatuloy na tensyon sa naturang bansa, bunsod ng mga isinasagawang anti-government protests.

Ayon sa senadora, hindi na dapat hintayin pa ng pamahalaan na lumala ang sitwasyon sa Hong Kong, bago kumilos at tiyakin ang kaligtasan lalo ng mga OFW doon.

Panawagan ni Binay, ilatag na ang mga contingency plan sa lalong madaling panahon, upang walang Pinoy na masaktan sa tensyon sa Hong Kong.

Dapat aniya ay mayroong nakatalagang tao na maaaring malapitan ng mga kababayan natin doon at may nakahandang hotline, social media channel o anumang paraan para makontak ng mga OFW ang kanilang mga pamilya.

Hinimok rin ng senadora ang mga awtoridad na makipag-ugnayan na ating konsulado sa Macau, sakaling lumala pa ang sitwasyon at kailanganin ng mass evacuation.

Tiniyak naman ni Binay sa mga Hong Kong-based OFWs na handang tumulong ang pamahalaan sa kanilang mga pangangailangan.