Sen. Bam, aminado na kailangan ng LP na magdoble-kayod para matapatan ang mga taga admin sa 2019 senatorial election

Aminado si Senator Bam Aquino, na kailangan ng Liberal Party (LP) na magdoble-kayod para magkaroon ng isang senatorial slate na maitatapat sa pambato ng administrasyon sa 2019 senatorial election.

Sinabi ni Senator Aquino na ang partido ng oposisyon o ang LP ay kasalukuyang nakikipag-usap sa mga non-traditional political organizations tulad ng mga taga-simbahan, socio-civil organizations at cause-oriented groups.

Si Aquino ang nag-iisa mula sa oposisyon na napasama sa listahan ng mga posibleng mananalo sa darating na halalan ayon sa isang pre-election survey na isinagawa ng Pulse Asia.

Anang Senador, siya’y natutuwa naman sa nasabing pagkakasama niya sa may statistical chance na mananalo sa darating na eleksyon. Subalit, malinaw aniya na kailangan magdoble-kayod sila sa Liberal Party para mas marami sa kanila ang mapasama sa magic 12.

Naniniwala si Aquino na mas gugustuhin umano ng mga botante na madagdagan ang mga nasa oposisyon sa Senado. Sa ngayon ay aanim lamang ang nasa minorya sa mataas na kapulungan. | via Jojo Ismael

Photo courtesy: https://bit.ly/2HTxxYb