Sen. Angara, umaasa na mapapangalagaan ng bagong hirang na PhilHealth president ang kondisyong pinansyal ng ahensya

Tuwirang sinabi ni Senador Sonny Angara na kailangan umano ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na sumailalim sa isang “comprehensive financial check-up” para madetermina kung ang pinansyal na kalagayan nito ay maayos pa rin.

Noong Lunes, pinalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte si PhilHealth Interim President Celestina Dela Serna sa gitna ng kontrobersya ukol sa kanyang maluho at sobrang magastos na pagbibiyahe at pagtira sa mga hotel.

Itinalaga ng Pangulong Duterte si PhilHealth Board of Director Roy Ferrer bilang kapalit ni Dela Serna.

Para kay Angara, kanyang inaasahan na mapapangalagaan ni Ferrer ang kondisyong pinansyal ng PhilHealth sa gitna ng alegasyon ng paglustay sa resources nito tulad ng maluluho at magagastos na biyahe at overpayment ng claims at iba pang problema na banta sa pondo ng PhilHealth.

Diin ng mambabatas, ang bawat pisong winaldas ay pisong ninakaw mula sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino na silang higit na nangangailangan ng pondo mula sa PhilHealth.

Ani Angara, kailangan ang isang lupon na may kakayahang determinahin ang tunay na kondisyon ng PhilHealth.

Dagdag pa ng senador na kung hindi naging pabaya ang oversight, nakita sana nang maaga ang umano’y maluhong inasal ng nasibak na PhilHealth president. | ulat ni Jojo Ismael