Sen. Angara, isinusulong ang pagsasabatas ng pagtatag ng isang medical scholarship program

Itinutulak ni Senador Sonny Angara ang maagang pagsasabatas ng kanyang panukalang hakbangin na naglalayong maitatag ang isang medical scholarship program upang matugunan ang kakulangan sa kinakailangang mga manggagamot sa bansa.

Partikular na tinukoy ni Angara ang pagpapahusay sa kakayahan ng bansa na tugunan ang pangangailangan ng ating mga nakatatanda o senior citizens para sa pangangalagang pangkalusugan.

Tinukoy ng senador ang datos mula sa Retirement and Healthcare Coalition kung saan makikita na may 140 geriatric doctors lamang na mayroon ang bansa para sa bawat walong milyong senior citizens.

Sa Senate Bill No. 1157,  ipinanukala ni Angara ang pagtatag ng isang medical scholarship program upang matiyak na may sapat na mga doktor sa bawat lalawigan sa buong bansa.

Sa panukala, ang scholarship program ay ipatutupad ng University of the Philipines College of Medicine na tatanggap ng kahit isang kwalipikadong medical student mula sa bawat lalawigan sa bansa.

Ang matagumpay na iskolar ay obligado na manilbihan sa loob ng limang taon sa isang provincial hospital matapos na kanyang maipasa ang medical board exams.  |ulat ni Jojo Ismael