Sen. Angara, ipinatitiyak sa gobyerno ang employment assistance para sa mga maaapektuhang manggagawa ng pagsasara ng Boracay

Pinatitiyak ni Senador Sonny Angara sa mga awtoridad na ang libu-libong manggagawa na maaapektuhan ng anim na buwang pagsasara ng Boracay ay matutulungan sa alternatibong employment assistance program ng gobyerno.

Ginawa ni Angara ang kanyang panawagan kasunod ng pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na aprubado na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Interior, Environment at Tourism Departments na lubusang isara ang Boracay para sa anim na buwan upang bigyang-daan ang rehabilitasyon ng isla.

Base sa datos mula sa Boracay Foundation, 19,000 katao ang nagtatrabaho sa formal sector kabilang ang hotel, restaurant, dive shops, souvenir shops, tour activity centers, at transport providers, habang may iba pang 17,000 ang nagtatrabaho sa informal sector bilang massage therapists, tattoo artists, at vendors sa isla.

Ani Angara, Vice Chairman ng Senate Labor Committee, libu-libong pamilya ngayon ang nangangamba kung saan sila hahanap ng pagkakakitaan sa loob ng kalahating taon. Dapat ay aktibo ang local government unit at ang DOLE sa pagbibigay ng tulong sa mga maaapektuhang manggagawa, diin ng mambabatas.

Dagdag pa ni Angara na dapat maisaprayoridad sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga maaapektuhang Boracay workers. | via Jojo Ismael