Sen. Angara, ikinatuwa ang pagpirma ng Pangulo sa Mandatory Provision of Neutral Desks in Educational Institutions Act

Pinuri ni Senador Sonny Angara ang pagsasabatas ng Republic Act 11394 o ang Mandatory Provision of Neutral Desks in Educational Institutions Act.

Layon ng naturang batas, na obligahin ang mga paaralan na maglaan ng mga ‘neutral desk’ sa bawat silid-aralan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Angara na matagal nang hinihintay ng mga left-handed o kaliweteng mga estudyante ang batas na ito.

Ayon sa senador, sa wakas ay natugunan na ang araw-araw na kalbaryo ng mga kaliweteng estudyante na napipilitang mag-adjust sa mga desk na nakadisenyo para sa mga right-handed.

Hindi aniya biro ang hirap ng mga kaliweteng estudyante, dahil karamihan sa kanila ay nagkakaroon ng back, neck at shoulder pain mula sa paggamit ng standard right handed desks.

Kaya naman malaking ginhawa aniya ito para sa mga left-handed student.

Sa huli pinasalamatan ni Angara si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagpirma sa panukalang batas na isinulong niya.