Sen. Angara, ikinasiya na napagtibay na rin ang panukalang BBL

Nagpahayag ng kasiyahan si Senador  Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Local Government na matapos ang mahaba at mahirap na proseso ng pakikipagkonsultasyon sa mga kinauukulang sektor sa Mindanao, ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay naipasa na ng Senado.

Ani Angara, ang pakikinig at pakikipagkonsultasyon na isinagawa ng sub-committee on local government sa mga pabor at maging sa mga kontra sa BBL ay malaki ang naiambag sa pagpapalakas at pagapapahusay sa panukalang BBL, ang panukalang hakbangin na magbibigay ng sariling pamamahala sa maraming lugar sa Mindanao.

Aniya, ang lahat ng ito ay naging posible sa pamamagitan ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na chairman ng sub-committee on local government na walang pagod na isinulong ang pag-apruba ng hakbangin.

Nagpasalamat din si Angara sa mga kapwa senador na tumulong sa pagpapahusay sa balangkas ng panukalang BBL at siyempre aniya hindi dapat makalimutan na ang lahat ng ito ay di maaaring maisakatuparan kung hindi dahil Pangulong Rodrigo Duterte.

Para kay Angara, ang BBL ay hindi ordinaryong panukalang batas at ang hamon ngayon ay kung papaano ito gumalaw upang makamit na ang matagal nang minimithing kaunlaran at kapayapaan para sa Muslim Mindanao. |  ulat ni Jojo Ismael