‘Selective quarantine’ maaring ipatupad kung sinusunod ang ECQ

Kinukunsidera ng pamahalaan ang pagpapatupad ng “selective quarantine” sa mga lugar lang kung saan mataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19, pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine. Ayon kay National Task Force COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr., ito ay magiging posible lang kung susunod ng maayos ang mga tao sa Enhanced Community Quarantine at matagumpay ang pag-flatten ng curve. Paliwanag ni Galvez, pag-aaralan ng Inter-Agency Task Forces on Emerging Infectious Diseases (IATF-IED) ang mga rates at trends ng pagkalat ng COVID sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pagbabatayan aniya ng IATF ay kung nagkaroon na ng massive testing ng suspected cases, tumaas ang recovery rate ng mga pasyente, bumaba ang number of deaths at new cases, at tumaas ang capacity ng mga local health units. Dapat aniya ang mga LGU ang manguna sa pag-flatten ng curve at kinilala ng kalihim ang mga LGU na nagpatupad ng best practices sa paglaban sa COVID-19, kabilang ang LGUs ng Manila, Valenzuela, Marikina, Pasig, Baguio, Davao, Caraga at Bicol region na kung saan ay mahigpit, ngunit maayos nilang naipapatupad ang ECQ.