‘Selective Martial Law’ sa Mindanao, ipauubaya ng AFP sa Pangulo 

Ipauubaya na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Rodrigo Duterte kung limitahan na lang ang pagpapairal ng batas militar sa ilang mga lugar sa Mindanao.

Ayon kay AFP Spokesperson, Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo, mismo ang Pangulo naman ang nagdeklara ng batas militar at may kapangyarihan siyang limitahan ito sa ilang lugar kung saan ito kinakailangan pa.

Magugunitang hiniling mismo ng ilang local chief executives tulad ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na i-lift na ang martial law sa kanilang lugar dahil sa mabuti naman na ang kanilang sitwasyon.

Kinumpirma naman ni Western Mindanao Command (WestMinCom) Commander Lt. Gen.  Cirilito Sobejana na hindi na kailangan ng martial law sa Davao at gayundin sa Cagayan de Oro City dahil maayos na ang sitwasyon sa mga syudad na ito.  Pero irerekomenda niya na palawigin pa ang martial law sa ibang bahagi ng Mindanao tulad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa presensya ng Abu Sayyaf group (ASG) at iba pang teroristang grupo.

Sa panig naman ni EastMinCom o Eastern Mindanao Command Chief Lt/Gen. Felimon Santos, pag-uusapan pa nila sa Regional Peace and Order Council meeting kasama ang mga local chief executives kung palalawigin pa ang martial law gayung mabuti na rin ang sitwasyon sa kanilang nasasakupan.

Gayunman, nilinaw ni Santos na ang kanilang tututukan sa ngayon ay ang mga lugar kung saan madalas makita ang presensya ng mga bandido’t terorista kaya’t maaaring doon na lamang aniya panatilihin ang pag-iral ng batas militar.