Seguridad sa SEA Games, pinaghahandaan na ng PNP

Pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa idaraos na Southeast Asian (SEA) Games sa Clark Field sa Pampanga sa darating na Nobyembre.

Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, mahigit isang libo ang bilang ng mga pulis na ikakalat nila sa iba’t ibang lugar na pagdarausan ng palaro, at pinaigting na rin nila ang kanilang intelligence monitoring sa Central Luzon.

Aniya, sa Police Regional Office (PRO) 3 manggagaling ang bulto ng manpower na magbibigay ng seguridad sa mga venue ng palaro.

Ginawa ni Albayalde ang pahayag, matapos niyang pangunahan ang ika-118 anibersaryo ng Police Service ng PRO 3 na ginawa sa Kampo Olivas sa San Fernando, Pampanga kaninang umaga.