Seguridad sa Pasko at Bagong Taon, tiniyak ng AFP

Tututukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbibigay ng mas mahigpit na seguridad upang matiyak na magiging payapa ang pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong ng bagong taon.

Ayon kay AFP Chief of Staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal, titiyakin nyang gagawin ng kanilang hanay ang kanilang mandato na protektahan ang mamamayan at siguruhing ligtas ang lahat sa anumang mga karahasan.

Ito ay sa gitna ng sunod-sunod na pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa nalalapit na pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.

Sa ngayon aniya, nananatiling naka-alerto ang lahat ng kanilang frontline units.

Ito ay sa kabila ng isolated incident sa Agusan del Sur kung saan nabihag ng NPA ang 2 sundalo at 12 CAFGU.

Nagpasalamat din si Madrigal sa mga pamilya ng mga sundalo sa kanilang pag-unawa at sakripisyo.

Ito ay dahil aniya kahit panahon ng Pasko ay nagtatatrabaho ang halos lahat ng mga sundalo na malayo sa kanilang mga pamilya para ipagtanggol ang mga mamamayan laban sa mga nagnanais na maghasik ng karahasan. | ulat ni Leo Sarne