Security plans ng DOE matapos ang pag-atake sa Saudi ARAMCO, bubusiin

Magsasagawa ng inquiry ang Senate Energy Committee tungkol sa plano ng Department of Energy (DOE) matapos ang nangyaring pag-atake sa Saudi Arabian Oil Company (ARAMCO) nitong Sabado.

Inihain na ni Senate Energy Committee Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang Senate Resolution 139, na layong malaman ang plano ng DOE upang mapanatiling sapat ang suplay ng produktong petrolyo ng bansa.

Nais rin malaman ng senador kung ano ang mga nakahandang hakbang ng ahensya, para matiyak na hindi gaanong mararamdaman ng bansa ang epekto ng naturang insidente sa presyo ng ating mga produktong petrolyo.

Giit ni Gatchalian, nakakabahala ang posibleng epekto ng pag-atake sa Saudi ARAMCO sa supply at presyo ng langis sa bansa lalo na sa transportation at power generation sector.

Responsibilidad aniya ng DOE, na ipaalam sa publiko ang posibleng epekto ng naturang insidente at ang mga ginagawa nitong hakbang para tugunan ito.

Sa ngayon ay 12 percent ng suplay ng Pilipinas ng crude oil ay nanggagaling sa Saudi Arabia.