Security officer ng isang security agency, nahuli na may dalang baril habang ginagawa ang MMDA clearing operations sa Batasan, QC

Iniimbestigahan na ng pulisya ang nagpakilalang security officer matapos maaresto dahil sa pagdadala ng baril sa Quezon City kanina.

Nadiskubre ang baril na isang shotgun na nakatago sa ilalim ng upuan ng kanyang sasakyan habang nagsasagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa IBP Road.

Kinilala ang lalaki na si Enriqueto Flores, isang security officer ng Safeforce Security Investments Investigation Agency na may tanggapan sa Anonas Rd., Potrero Malabon.

Ang dahilan ni Flores ay hindi niya alam na may baril na nakatago sa minamaneho niyang kulay gray na kotse.

Binigyan si Flores ng 24 oras para maglabas ng dokumento at kung hindi makakapagpakita ay mahaharap ito sa kasong paglabag sa gun ban na umiiral ngayon dahil sa barangay at SK election.

Maaga pa lamang kanina nang magpatupad ng clearing operations ang mga tauhan ng MMDA sa kahabaan ng IBP Road na ginawa ng paradahan ng mga taxi at pribadong sasakyan. | via Rey Ferrer