Security of tenure at dagdag sahod ng BHWs, suportado ng isang mambabatas

Suportado ni Taguig 2nd District Representative Lani Cayetano, ang agarang pagpapasa ng mga panukalang batas, na layong bigyan ng security of tenure ang barangay health workers (BHWs) at bigyan sila ng increase sa kanilang allowance.

Diin ng mambabatas, hindi lahat ng mga lokal na pamahalaan kayang magbigay ng job order status sa kanilang mga BHW.

Nagawa na aniya nila ito sa Taguig, ngunit mas mainam kung maipapatupad din ito sa buong Pilipinas, at tanging sa pagpapasa lamang ng isang batas aniya ito maisasakatuparan.

Dagdag pa ni Cayetano, malaking tulong ito para sa mga BHW na tumatayong frontliners kontra COVID-19 sa barangay level.

Sa kasalukuyan, may anim na panukalang batas ang nakabinbin sa Kamara, na nagtutulak para sa security of tenure at dagdag sahod para sa mga BHW.