Security measures sa mga pantalan malapit sa Jolo Sulu, pinaigting ng Phil Coast Guard

Pinaigting na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang seguridad sa mga pantalan malapit sa Jolo, Sulu.

Ito ay bunsod ng magkasunod na pagpapasabog sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu kahapon ng umaga, kung saan umakyat na sa 20 ang nasawi, habang 111 ang nasugatan.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Elson Hermogino, nagbaba na sila ng mandato at inalerto na rin nila ang lahat ng kanilang District Station at Sub-Station, partikular sa mga lugar na covered ng Bangsamoro Organic Law (BOL), upang maiwasang maulit ang mga pagpapasabog.

Una na ring nagpahayag ng pagkundena ang PCG sa insidente, kung saan isang tauhan mula sa kanilang hanay ang nasawi habang sugatan naman ang dalawang iba pa.

Matatandaang pasado alas-8:00 ng umaga kahapon nang maganap ang unang pagpapasabog sa Mt. Carmel Cathedral, Jolo, Sulu, na sinundan naman nang isa pang pagpapasabog kung saan tinarget ang mga sundalong rumesponde sa lugar.  | ulat ni Racquel Bayan