Security assessment sa mga lugar na may banta ng terorismo, ipinag-utos ni PNP Chief Eleazar

Inatasan ni Philippine National Police Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga police commanders sa mga lugar na may banta ng terorismo na magsagawa ng security assessment.

Ito’y upang makapagpatupad ng mga adjustments sa security plan sa kani-kanilang area of responsibility.

Pinasisiguro ni Gen. Eleazar na handa ang mga pulis sa anumang tangkang pag-atake ng mga teroristang grupo sa komunidad at maging sa mga kampo ng pulisya.

Partikular na inalerto ni Eleazar ang PNP sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kasunod ng paghahasik ng karahasan sa Datu Paglas, Maguindanao ng grupo Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na patuloy na tinutugis ng pulis at militar.

Siniguro naman ni Eleazar na mahigpit ang koordinasyon ng PNP sa militar sa kampanya kontra sa terorismo at insurhensya.