Sec. Rio: hindi makokompromiso ang interes ng subscribers ng Mislatel

Tiwala si outgoing Department of Information and Communications Technology (DICT) Acting Secretary Eliseo Rio, na mapangangalagaan ang lahat ng datos at impormasyon ng mga subscriber sa ilalim ng ikatlong telco na Mislatel.

Kumpiyansa si Rio, na sa ilalim ng pangangasiwa ni incoming DICT Secretary Gregorio Honasan ay mababantayan at mabibigyan ng kaukulang seguridad ang interes ng ating mga kababayan.

Wala aniyang kuwestiyon kung kakayahan ni Honasan ang pag-uusapan, gayung hindi na bago sa Senador ang managerial skills na nagamit nito noong siya’y nasa defense department, at naging kanang kamay noon ni dating Department of National Defense (DND) Secretary at dati ring Senador Juan Ponce Enrile.

Inihayag ni Rio, na pinangunahan na noon ni Honasan ang document security ng Tanggulang Pambansa.

Sa kabilang dako, ay pinayuhan din naman ni Rio ang publiko na maging responsable sa paggamit ng serbisyo ng telcos.

Panawagan ng outgoing DICT Chief, huwag iasa ang lahat sa kani-kanilang service telcos ang pangangalaga sa kanilang mga personal na impormasyon. | ulat ni Alvin Baltazar