Sec. Panelo, pinalagan ang batikos na wala siyang alam sa kalbaryo ng mga pasahero

Pumalag si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa batikos ni Bayan Secretary General Renato Reyes na walang alam ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalbaryo ng mga pasahero kung kaya nasabi niyang walang mass transport crisis sa Metro Manila.

Paliwanag ni Panelo, hindi nangangahulugan na wala siyang alam sa sitwasyon dahil lamang sa hindi pagsang-ayon sa teorya ng militanteng grupo na may krisis sa transportasyon, dahil sa pahirapan sumakay araw-araw.

Pagbibigay diin ng tagapagsalita, wala naman kasing mass transport paralysis kaya’t walang krisis sa mass transport, habang bigo rin aniya ang mga nasa transport group na maparalisa ang transportasyon kahit na nagsagawa ng nationwide transport strike kamakailan.

Sa gitna nito ay aminado naman si Panelo, na araw-araw ay sumasagupa ang mga Filipino sa problema sa traffic.