Sec. Panelo, dumistansya sa 2nd chance remarks ni Sen. Bato para kay Ex-Mayor Sanchez

Dumistansiya si Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo sa mga negatibong reaksiyon kontra kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kasunod ng naging pahayag nito na deserving si dating Mayor Antonio Sanchez na mabigyan ng “2nd chance.”

Ayon kay Panelo, entitled si Senator Dela Rosa na magbigay ng kanyang opinyon.

Bukod sa kanyang sinusunod na prinsipyo na hindi dapat emotionally attached ang abogado sa kanyang dating kliyente, sinabi ni Panelo, na wala rin siya sa posisyon para magsabing dapat mabigyan ng pagkakataon si Sanchez para makapagbago.

Katwiran ng palace spokesperson na nagsilbing tagapagtanggol noon ni Sanchez, lalabas lang na siya ay incompetent kung maghahayag siya ng kanyang pananaw sa isyu, gayung hindi naman niya alam kung good behavior o hindi sa loob ng munti ang dati niyang kliyente.

Samu’t-saring reaksiyon ang narinig sa 2nd chance remarks ng neophyte senator, na ang ilan dito ay komento mula sa ilang mga taga-showbiz na kontra sa paglaya ng convicted murderer at rapist.