Sec. Lorenzana, Sec. Bello, ipinatawag ng Pangulong Duterte para sa meeting mamaya

Ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Department of Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa Davao para sa isang pulong.

Ganunpaman, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi niya batid kung ano ang magiging agenda ng meeting ng Pangulo sa dalawang miyembro ng gabinete.

Ang Pangulo ay nananatiling nasa Davao ngayong araw matapos na magpalipas ng kanyang weekend at magpahinga. Ito ay matapos na sumama ang pakiramdam ng Pangulo, dahilan upang hindi na din makasipot sa isang event nitong nagdaang Biyernes sa Palo, Leyte.

Ayon kay Panelo, tinamaan ng sinat ang Presidente. Maliban sa pakikipagpulong kina Bello at Lorenzana na itinakda mamayang alas-6 ng hapon, wala na namang ibinigay pang iskedyul si Panelo na posibleng iba pang aktibidad ng chief executive. | ulat ni Alvin Baltazar