Sec. Lorenzana, ipinaliwanag ang kanyang sinabing “empty victory” ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa kaso ng West Philippine Sea

Nagpaliwanag si Defense Secretary Delfin Lorenza sa kanyang sinabi na “empty victory” ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration o PCA.

Ito ay sa gitna ng pagbatikos ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario at Acting Supreme Court Chief Justice Antonio T. Carpio sa sinabi ng kalihim.

Ayon kay Lorenzana, hindi niya intensyong balewalain ang trabahong ginawa ng dalawang opisyal na ipaglaban ang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa PCA.

Ang ibig lang aniya niyang sabihin sa “empty victory” ay walang paraan para i-enforce ang desisyon ng PCA na kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa 200-mile exclusive economic zone nito sa West Philippine Sea.

Tanong ng kalihim, kung totoong panalo ang Pilipinas sa naging desisyon ng PCA, bakit nasa West Philippine Sea pa rin ang China?

Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Lorenzana kay Del Rosario at Carpio kung sila ay na-offend sa kanyang sinabi, pero ang katotohanan aniya ay nananatiling sa papel lang ang pagkapanalo ng Pilipinas hangga’t hindi nito eksklusibong kontrolado ang exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea.  | ulat ni Leo Sarne