Sec. Lorenzana, hindi inaakusahan ng pang-eespiya ang Chinese National sa POGOs

Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi niya inaakusahan ng pang-eespiya ang China sa pamamagitan ng Philippine Offshore gaming Operations o POGO na malapit sa mga kampo ng militar.

Ayon sa kalihim, itinaas niya lang ang alerto sa posibilidad na mangyari ito sa hinaharap, dahil sa dami ng mga Chinese national na nasa mga POGO sa ngayon.

Bagamat sinabi ng kalihim, na sa tingin niya ay hindi naman mga militar ang mga Chinese national na nasa mga POGO at coincidence lang na maiksi ang kanilang gupit at matipuno ang pangangatawan, hindi aniya imposible na magamit ang mga Chinese national na ito sa pang-eespiya pagdating ng panahon.

Gayunpaman, binigyang diin ng kalihim, na dapat munang pag-aralan mabuti kung dapat ipasara ang mga POGO tulad ng ginawa ng Cambodia.

Inamin ng kalihim, na malaking benepisyo din kasi sa ekonomiya ang mga POGO, kaya makikipag-usap muna siya sa mga miyembro ng economic cluster ng gabinete at PAGCOR, bago magbigay ng rekomendasyon.

Una na aniya niyang iminungkahi, na ilipat ang mga POGO sa isang “hub” na malayo sa mga kampo ng militar at bantayan ng husto, para masiguro din na nakokolekta ng pamahalaan ang tamang buwis mula sa mga operasyong ito.