Sec. Dureza, tiwala na malulusutan ang constitutionality test sa BOL

Malaki ang tiwala ni Secretary Jesus Dureza, Presidential Adviser on the Peace Process, na makakatindig sa constitutionality test ang Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ito ang naging opisyal na tugon ni Dureza, kaugnay sa pagkuwestiyon sa Korte Suprema laban sa BOL.

Ipinunto ng kalihim, na karapatan ng bawat Filipino na kuwestiyonin ang legalidad ng batas, at hindi aniya ligtas dito ang BOL.

Sinunod aniya ng Bangsamoro Transition Commission (BTC), na siyang bumalangkas sa nasabing batas ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na sundin ang lahat ng mga naunang nilagdaan kasunduan alinsunod sa itinatadhana ng batas at mga repormang legal.

Maliban pa dito ibinuhos aniya ng senado at mababang kapulungan ang kanilang kaalamang legal, kasabay ng pagsuri sa mga nauna ng desisyon ng korte suprema at mga aral ng nakalipas.

Siniguro din ng legal minds ng executive department, na makatitindig sa constitutionality test ang BOL bago inilapat ng Pangulo ang kanyang pirma.

Kaya naman, kumpiyansa si Dureza na hindi mapipigilan ang nasabing batas na nagsisilbing bagong simula para sa Bangsamoro.

Sa huli, sinabi Dureza nasa kamay na ng korte ang pinal na determinasyon sa legalidad ng BOL. | ulat ni Dang Sabdani – DXRP Radyo Pilipinas Davao