Sec. Duque, nagpasalamat sa delegasyon mula sa Israel sa pagbahagi ng kanilang kaalaman sa paglaban sa pandemya

Nagpasalamat sina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., sa pamahalaan ng bansang Israel.

Partikular ito sa kanilang delegasyon ng mga health experts na dumating sa Pilipinas, para magbahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa paglaban sa COVID-19.

Ayon kay Sec. Duque, ikinalugod nila ang pagiging bukas ng gobyerno ng Israel, sa pagbibigay ng kanilang kaalaman tungkol sa kanilang National Immunization Program and Campaign.

Malaking tulong din ito sa patuloy na bakunahan kontra COVID-19 sa Pilipinas.

Ang mga karanasan at hakbang na ginawa ng Israel ay inspirasyon sa buong mundo, at patunay na ang bakuna kontra COVID-19 ay ligtas at epektibo.

Sinabi naman ni Sec. Galvez na ang pagtulong ng Israel ay patunay na kayang magkaisa ng iba’t ibang bansa para labanan ang global pandemic.

Ipinakita rin ng Israel na ang giyera kontra COVID-19 ay kayang ipanalo sa pamamagitan ng collective effort ng mamamayan at gobyerno.

Umaasa rin si Galvez na marami pang makukuhang kaalaman ang Pilipinas, mula sa mga eksperto mula sa Israel, na magagamit sa pagtugon sa pandemya.