Sec. Diokno, naniniwalang handa ang Pangulo na sadyain siya sa Kamara sakaling i-contempt at ikulong ng mga mambabatas

Walang duda si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na pupuntahan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso sakali’t ipa-cite in contempt at ipakulong siya ng mga mambabatas.

Ito ay sa gitna ng hindi pa ring humuhupang isyu sa pagitan ng ilang kongresista at ni Diokno, na may kinalaman sa umano’y budget insertion at iba pang usapin sa pambansang pondo.

Kwento ni Diokno, kanyang pinanghahawakan ang pahayag noon pa man ni Pangulong Duterte na kapag may binastos na miyembro ng gabinete ay pwede itong magwalk-out sa hearing.

Gayunpaman, mas pinili na lamang niyang huwag na lang itong gawin habang nakasalang sa panggigisa nina House Majority Leader Rolando Andaya, Jr. at Minority Leader Danilo Suarez, noong dumalo ito sa hearing sa mababang kapulungan.

Nakakahiya naman ani Diokno sa Presidente, na sadyain pa siya nito sa Kongreso at hingin sa mga mambabatas na palayain siya kaya’t mas minarapat niya na lang na tapusin ang question hour.

Tiniyak naman ng budget secretary, na hindi niya hahayaang maulit pa ang nangyaring pambabastos sa kanya ng mga kongresista. | ulat ni Alvin Baltazar