Pagbisita ng Pangulo sa Israel, ‘di lang para mapalakas ang relasyon ng Pilipinas at ng nasabing bansa kundi para rin sa kapakanan ng OFWs – Sec. Cayetano

Sinabi ngayon ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na ang pagbisita ng Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang Israel ay di lamang para mapalakas ang relasyon ng Pilipinas at ng nasabing bansa kundi para rin sa kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Senado, sinabi ni Secretary Cayetano na gusto ring makita ng Pangulong Duterte ang kalagayan ng may libu-libong manggagawang Pilipino sa Israel.

Mayroon din aniya tayong minamadaling isang labor agreement at ito ay inaasahang malalagdaan habang ang Pangulo ay nasa Israel.

Ang naturang panukalang labor agreement ay matagal-tagal na rin umanong tinatrabaho ni Labor Secretary Silvestre Bello III at ito ay para sa kapakanan at pakinabang ng ating mga manggagawa.

Nabanggit din ni Cayetano na may mga  lakas ang Israel, tulad ng information technology, agrikultura at ng may kaugnayan sa seguridad na gusto ring makita ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa naturang bansa sa Setyembre 2 hanggang 5. | ulat ni Jojo Ismael 

Photo courtesy: PTV News