Sec. Bello, nilinaw ang pinirmahang EO ng Pangulo para sa mga manggagawang Pinoy

Nilinaw ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, na ang pinirmahang Executive Order (EO) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pagre-regulate lamang sa contractualization at sub-contractualization, na ipinapatupad sa bansa.

Sa isang panayam matapos ang isinagawang selebrasyon ng Araw ng Paggawa sa Lungsod ng Cebu, nilinaw ni Bello na meron pa din naman trabahong maaaring i-outsource na ipinapahintulot, kagaya ng mga trabahong seasonal, project-based, janitorial, maintenance at security services.

Isa sa probisyon ng EO ang pagbibigay ng pahintulot sa DOLE Secretary, na tumukoy sa mga trabahong maaaring i-outsource sa kondisyon na dadaan muna ito sa konsultasyon kasama ang National Tripartite Industrial Peace Council.

Napapaloob din sa naturang EO na may kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon ang DOLE hinggil sa mga kumpanyang nagsasagawa ng labor-only contracting.

Ipinaliwanag naman ni DOLE-7 Regional Director Alvin Villamor, na sa Cebu, may naisumite na silang mga listahan ng kumpanyang gumagawa nito.

Binigyan ang mga rehiyonal na tanggapan ng DOLE hanggang Mayo 10, upang isumite ang listahang ito.

Dagdag ni Villamor, dahil sa EO, meron nang dahilan ang ahensiya upang istriktong ipatupad ang labor laws sa bansa.

Tiniyak naman niya na dadaan sa due process ang lahat ng kompanyang nasa listahan. | via Carmel Matus