SC, nagpaliwanag sa marital relations ng mag-asawang Muslim na nagkahiwalay

Binigyang-linaw ngayon ng Supreme Court na nananaig ang batas ng mga Muslim o Muslim Code sa usapin ng marital relations sa pagitan ng muslim couples na ikinasal sa ilalim ng Muslim Law rites at muling nagpakasal sa Civil Law rites.

Sa labing isang pahinang resolution ng SC First Division, pinaliwanag na ang pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon ni Rohaina Sumagka ay dahil sa kawalan ng merito.

Kinukuwestiyon ni Sumagka ang ipinagkaloob na divorce ng Talaq ng ikawalong Shari’a Circuit Court o SCC ng Tacurong City, na pinagtibay ng ika-5 Shari’a District Court sa Cotabato City.

Sina Rohaina at Abdulgani Sumagka, parehong Muslim, ay ikinasal alinsunod sa Muslim law sa Tinagacan, General Santos City noong July 18, 1998, ikinasal sila muli sa civil rites noong February 4, 2004, ngunit naging pulis si Abdulgani noong 2006 at na-deploy kung saan-saang lugar dahilan upang manibugho si Rohaina hanggang sa mag-file ng divorce ai Abdulgani.

Sa pagdismis sa petisyon, nilinaw ng SC, na hindi maitatangging kapwa Muslim sina Rohaina at Abdulgani na ang unang kasal ay isinagawa sa Muslim rites, at nilinaw na hindi maaaring ipalawalang-bisa ng civil law marriage nila at ang nananaig pa rin ang Muslim code nang sila ay ikasal.