SC, hiningan na ng memoranda ang petitioners vs. Anti-Terrorism Law

Binigyan ng Korte Suprema ng isang buwan ang mga petitioner kontra sa Anti-Terrorism Law, na magsumite ng kani-kanilang memoranda na magiging batayan ng magiging desisyon ng korte.

Nasa 37 petisyon ang isinampa laban sa kontrobersyal na batas, kung saan nagtapos na ang oral arguments ukol dito.
Inatasan ni Chief Justice Alexander Gesmundo, ang mga petitioner at respondent, na magsumite ng memorandum sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang abiso.

Bagaman nasa 37 ang petisyon laban sa Anti-Terrorism Law, anim na memoranda lang mula sa petitioners ang ipinasusumite ng Korte Suprema.

Ayon sa Korte Suprema, ipadadala sa pamamagitan ng email sa mga partido ang mga resolusyon nito, na naglalaman ng mga karagdagang isyu na kailangang masagot sa isusumiteng memoranda.

Kasama na rito, ang iba pang katanungan ng justices para kay National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon Jr., na humarap sa mga mahistrado.