SC CJ Peralta, no comment sa dolomite sand sa Manila Bay

Ayaw pang magkomento ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta hinggil sa kontrobersyal na Dolomite Beach sa Manila Bay.

Sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag nang mag-inspeksyon siya sa Dolomite Beach kaninang umaga, sinabi ni Peralta na dumayo siya sa lugar upang mag-obserba.

Sa ngayon aniya ay mahirap magsalita ukol sa Dolomite Beach lalo’t siya ang bagong ponente ng nakabinbing petisyon ukol sa proyekto sa Manila Bay.

Sa halip, sinabi ni Peralta na mas mainam na hintayin na lamang ang isasagawang deliberasyon ng Korte Suprema rito sa November 3, at mas mabuti aniya kung abangan na lamang ang magiging resulta nito.

Ang nakabinbing mosyon sa Korte Suprema ay inihain ng grupong Akbayan at Akbayan Youth na humiling na i-cite for contempt ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa Dolomite Beach.

Ayon kay Peralta, ang inspeksyon kasama ang iba pang opisyal ng Korte Suprema sa Dolomite Beach kanina ay mabuting pagkakataon din upang malaman kung nasusunod na ang pamahalaan sa Mandamus na inisyu noong 2008.

Dito, pinagre-report ang gobyerno sa pangunguna ng DENR ukol sa sitwasyon sa Manila Bay.

Nataon pa aniya na maraming isyu na dapat pag-usapan kaya hiniling ng Korte Suprema sa DENR na magsumite ng report.

Maganda rin, ani Peralta, na nakita nila ng aktwal ang lugar na tinambakan ng dinurog na dolomite at kung ano na ang update o huling balita sa nagpapatuloy na proyekto.

Ani Peralta, sa kanyang pananaw ay nakakasunod naman ang DENR sa Mandamus at malinis na rin daw ang tubig ng Manila Bay.