Satur Ocampo, nagpasaklolo kay dating SAP Go ng mahuli sa Davao del Norte

Ibinunyag ni dating Special Assistant to the President Christopher Bong Go, na tinawagan siya sa telepono ni dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo noong gabing inaresto ito ng mga pulis at militar sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte.

Ito ang sinabi ni Go, kasunod ng pagsasampa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng kasong kidnapping at human trafficking laban kay Ocampo at ACT Teachers partylist Representative France Castro.

Sa kanyang pagbisita sa mga pamilyang nasunugan sa Novaliches, Quezon City, sinabi ni Go na ipinaliwanag sa kanya ni Ocampo ang umano’y tunay na layunin ng kanilang rescue mission ni Rep. Castro sa mahigit 70 kataong kinabibilangan ng kabataang Lumad at guro na kinakailangang iligtas.

Gayunman sinabi ni Go, mayroong kanya-kanyang alegasyon at paliwanag ang grupo ni Ocampo at otoridad kaya’t pinayuhan aniya nito ang dating mambabatas na ipaubaya sa PNP ang imbestigasyon.

Miyerkules ng gabi nang masukol at maaresto sa isang checkpoint sina Ocampo at Castro, habang inilalabas mula sa New People’s Army (NPA)-infested barangay ang mga katutubo na karamihan ay mga menor de edad. | ulat ni Rey Ferrer