Saranggani, Davao Occidental, niyanig ng lindol

Dalawang beses na niyanig ng lindol ang Saranggani, Davao Occidental kaninang alas-12:30 at bago mag-alas-3 ng madaling araw.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang pagyanig ay nangyari sa bahagi ng karagatan na may layong 185 km South East ng Saranggani at may lalim na 47 kilometro.

Naitala ng Phivolcs ang magnitude 5.4 na lindol bandang alas-2:51 ng madaling araw.

Pinawi naman ng Phivolcs ang pangamba ng mga residenteng malapit sa pampang ng karagatan, dahil hindi naman ito nagdulot ng tsunami o pagtaas ng tubig sa dagat.

Bago ito, alas-2:31 ng madaling araw ng unang maramdaman ang pagyanig na may magnitude 4.8 sa nabanggit ding lugar.

Mula ng mangyari ang huling pagyanig kanina, umabot na sa apat na aftershocks ang naramdaman sa lugar at pinakahuli ay kaninang alas-5 ng umaga na may lakas na magnitude 3.8.

Ayon pa sa Phivolcs, wala namang dalang pinsala ang lindol sa nabanggit na lugar. | ulat ni Rey Ferrer