Sapat na kapangyarihan at pondo para sa LGUs, kailangan sa paglaban sa kriminalidad at iligal na droga – Sen. Angara

Naniniwala si Senador Sonny Angara na ang local government units (LGUs) ay kailangang may sapat na kapangyarihan at pondo para labanan ang mga krimen at iligal na droga para sa kaligtasan ng publiko at kaayusan sa kanilang mga komunidad.

Kamakailan, ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na i-audit ang performance ng LGUs sa paglaban sa kriminalidad at iligal na droga.

Ayon kay Angara, chairman ng Senate Local Government Committee, habang isinasagawa ang pag-audit, ang Senado ay kikilos para siguruhing may sapat na autonomiya, kapangyarihan at pondo ang mga lokal na pamahalaan upang labanan ang paglaganap ng kriminalidad at iligal na droga.

Ang komite ni Angara ay nagsagawa ng serye ng public consultation sa pag-aaral  ng Local Government Code sa ilalim ng Republic Act No 7160, na di pa nababago simula nang maisabatas ito noong taong 1991.

Bunsod nito, nakapaghain ang mambabatas ng labing-isang panukalang-batas na pawang naglalayong ireporma ang Local Government Code.

Isa sa mga panukalang-batas na ito ay ang Senate Bill No. 1788 na naglalayong madagdagan ang source o pagkukunan ng pondong ibinibigay para sa mga LGU sa pamamagitan ng pagsama sa computation ng internal revenue allotment o IRA ng VAT na binabayaran para sa mga imported na mga produkto na kinukolekta ng Bureau of Customs (BOC).

Ayon kayAngara, lumabas sa kanilang mga konsultasyon na mayroong mga pamahalaang lokal na napakaliit lang ang pondo at hindi sapat para maipatupad ang kanilang mga programa para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan. | ulat ni Jojo Ismael