SAP Go, tiniyak na hindi mauulit ang maling pagtugon ng pamahalaan sa mga biktima ng Yolanda

Tiniyak ng Malacañang na hindi na mangyayari ang naging kapalpakan noong panahon ng Yolanda ngayong nahaharap ang bansa sa napakalakas na bagyong Ompong.

Pahayag ni Special Assistant to the President Secretary Christoper Lawrence “Bong” Go, hindi sila makapapayag na mangyari uli ang maling pagtugon ng gobyerno sa mga naging biktima ng kalamidad noong nanalasa ang Typhoon Hayian noong Nobyembre 2013.

Tiniyak ni SAP Go na mula sa standby funds para sa mga pagkain at non-food items hanggang sa agarang deployment ng pulis at militar ay nakapuwesto na ang mga kinauukulan para tumulong sa mga maaapektuhan ng kalamidad.

Dagdag pa ni Go, kanya ring kakausapin ang National Food Authority (NFA) at si Agriculture Secretary Manny Piñol upang masigurong may maisu-suplay na NFA rice sa mga lugar na tatamaan ni Ompong.

Ani Go, narito ang gobyerno at handang umayuda anumang oras sa gitna ng target na maabot ang zero casualty at maipahatid ang lahat ng kailangang tulong sa mga maaapektuhan ng bagyo. | ulat ni Alvin Baltazar