SAP Go, nagpahayag ng labis na paghanga sa pagkakaisa ng INC

Nagpahayag nang paghanga si Special Assistant to the President (SAP) Secretary Bong Go sa solidong pagkakaisa na muling ipinakita ng Iglesia ni Cristo (INC) kaugnay ng isinagawa nitong “Worldwide Walk to Fight Poverty.”

Ayon kay Go na kasama ring nakilahok sa pandaigdigang aktibidad ng INC kahapon, hindi matatawaran ang pagkakaisa ng mga kapatid na hindi lamang ipinapakita sa tuwing halalan kundi pati na rin sa mga aktibidad na inililulunsad ng kanilang pamamahala sa pangunguna ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo gaya ng isinagawang charity walk kahapon.

Kahanga hanga ayon kay Go na pati mga matatanda at maging ilang mga may kapansanang mga miyembro ng INC na naka wheel chair ay nakilahok pa sa nasabing aktibidad.

Sabi ni Go ito’y kahayagan din ng tindi ng pananampalataya ng mga kapatid sa Iglesia na aniya’y handang sumunod sa direktibang mula sa kanilang pangangasiwa.

Repleksiyon din aniya sa liderato ng INC ang naitalang kasaysayan ng Iglesia ni Cristo sa world wide walk na nananatiling matatag at matibay sa ilalim ng pamamahala ni Ka Eduardo V. Manalo. | via Alvin Baltazar