SAP Go, humihingi ng kaunting tiyaga sa mga mahahagip ng bagyong Ompong ukol sa pagtanggap ng ayuda

Umapela si Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga residenteng maaapektuhan ng bagyong Ompong na habaan ng kaunti ang pasensiya sa paghihintay ng ayuda na magmumula sa pamahalaan.

Ang apela ay ginawa ng kalihim sa gitna ng malaking posibilidad na mismong ang mga maghahatid ng tulong ay maging biktima din ng kalamidad.

Pero tiniyak ni SAP Go, na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mabilis na maipahatid ang tulong na kakailanganin ng mga tatamaan ng delubyo ni Ompong.

Sa katunayan ay may mga una nang naipadalang tulong sa mga lugar na mahahagip ng bagyo gaya ng Batanes na kung saan, may naipadala nang relief goods na mula sa national government.

Ilang mga gobernador na din ayon kay Go ang kanyang nakausap na ang inisyal na hininging tulong ay ang matiyak na hindi magkakaroon ng kakapusan sa suplay ng bigas.

Tugon naman ng SAP chief, kanya nang nakausap ang National Food Authority (NFA) tungkol dito habang tiniyak din ni Go ang kakailanganing air assets.  | ulat ni Alvin Baltazar